Wednesday, September 28, 2011
Saturday, September 17, 2011
Ang Wikang Filipino: Tugon Sa Sinulat ni J. Soriano
“Ang hindi magmahal sa kanyang salita mahigit sa hayop at
malansang isda” – Tinatalakay ang totoong may-akda.
Mahigit dalawang linggo na ang nakakaraan ng sinulat ni
James Soriano ang sanaysay na bumulabog, pinagmulan ng batikos at kuro-kuro sa
blogosperyo. Bagamat kulang sa taktika at may kahambugan, ang kanyang
obserbasyon ay may katotohanan. Ngunit batid na ng nakakarami ito bago pa man binu-o
ang sanaysay. Ang hindi katanggap-tanggap, para sa akin, ay ang pahapyaw na konklusyon
na ang Filipino at hindi wika ng madudunong.
Ang wikang tinutukoy ni Soriano ay hindi Filipino. Ito ay
mga idyomang galing sa salitang-kalye, lenguaheng-bakla, binastardong Inglis at
iba pang salitang lingid sa akin ang katuturan. Sinanib sa wikang Tagalog na
ginagamit sa Kamaynilaan at karatig-lugar nito. Maaaring maituturing na
dyalekto ng wikang Tagalog. Mababaw at hindi lubos kung gagawing batayan sa pag
husgang ang Filipino ay wika ng walang pinag-aralan.
Totoong karamihan sa wikang Filipino ay galing sa salitang
Tagalog. Ngunit kung susuriing mabuti, taglay din nito ang mga katagang hango
sa wikang Ilokano, Bicol, Hiligaynon, Cebuano at iba pang pangunahing wika ng Pilipinas.
Nakakapag-angkop ang isa sa mga katangian nito. Kapag ang kataga o
terminolohiyang banyaga ay walang katumbas sa ating salita, kinukupkop at
ginagawang Filipino sa pamamagitan ng pag-iba ng pag baybay katulad ng “police”
(pulis), “taxi” (taksi) o “ballpen” (bolpen). Hindi lamang tayo ang may wikang
“nang-aangkin” ng banyagang salita. Ang pinapangalandakan ni Soriano na wikang
Inglis ay tigib nito. Halimbawa ay “etcetera” na pinulot sa Latin, “sofa” na
galing sa Pranses na hinugot naman sa “suffa” ng wikang Arabik at
“thermodynamics” na hinango sa wikang Grego. Sapagkat mabilis ang komunikasyon
at pag bago ng teknolohiya sa kasalukuyang panahon, walang pangunahing wika na
maituturing na dalisay.
Dahil sa madaling makibagay ang wikang Filipino, kung
taimtimin, kayang ihayag nito ang ano mang dokumento, pangtala man o pang-ulat,
sa mundo ng kalakal, edukasyon at alin mang sektor na nagbibigay-buhay sa ating
lipunan. Ang nakakalungkot, wikang Inglis pa rin ang nangingibabaw at mas
pinapahalagahan. Sa pag puna, merong dalawang kadahilanan akong nakikita; ang
Inglis ay madaling isulat at maunawaan.
Halimbawa, ang pangungusap na:
“Ang sinaysay na ito ay nakaka-tamad at nakaka-antok
basahin.”
Pag isinalin sa wikang Inglis ay:
“This essay is a boring read.”
Dito makikita kung alin sa dalawang wika ang madaling
isulat.
Hindi sa may kakulangan ang wikang Filipino kaya ito’y hindi
bantog. Bagkos, ang pagkukulang ay nasa Pilipinong manunulat at mambabasa,
propesyonal man o mag-aaral. Dahil karamihan sa atin, lalo na sa hilagang Luzon, Kabisayaan at Timog-Pilipinas, ang inang-wika ay
hindi Filipino.
“Aklanon” at “Hiligaynon” ang kinagisnan kong mga wika. Kaya
sa pag-aaral ng Filipino, ang karamihan sa mga kataga’y bago sa pandinig.
Mahirap isa-ulo lalo pa’t nakakalito ang mga termino ng balarila na karamihan
ay nagsisimula sa pantig na “pang” (pangngalan, panghalip, pangdiwa atbp). Ang
kulang sa interes at hindi pag pansin sa wikang ito ay nadama ng ako’y
tumuntong ng kolehiyo at nag-aral sa Maynila. Biro at kutya ang kadalasang
napapala dahil sa maling bigkas, hindi wastong balarila at kakaibang punto.
Ngunit ito’y hindi naging balakid, bagkos ginawang pamukaw-sigla. Naging
masigasig, pinag-aralan ang puno’t dulo at pinamukha sa umaangking “ito ang
kanilang salita” ng mag kaalaman kung sino ang mas bihasa.
Hindi man tayo sanay sumulat o bumasa sa ating naturingang
Pambansang Wika, hindi nangangahulugang tayo’y hindi Pilipino o makabayan. Ang
mga walang-hiya ay yaong nanglalait at yumuyurak sa mga bagay na
pinapahalagahan ng bayang kumopkop sa kanila.
Ang Filipino ay hindi salita ng walang pinag-aralan. Ang katotohanan
ay ang kabaliktaran. Ang laitin ng pahapyaw ang isang wika na walang kongkretong basihan ay tanda ng
kakulangan sa kaalaman nito. Si Soriano ay mangmang sa wikang Filipino.
Subscribe to:
Posts (Atom)