Walang hanganan ang takbo ng isipan kung ang sinusulat ay nobela o may temang pantasya. Ito ay nakapaloob sa kategoryang kathang-isip. Ngunit pag ang tema ay komentaryong pang lipunan (social commentary), may kaakibat itong responsabilidad at dapat maging maingat sa pagsulat. Dito ang obserbasyon at kongklusyon ay dapat sinasaliksik at pinag-iisipan. Dahil ang nakasalalay ay pangyayaring apektado ang alin mang tinutukoy na sektor ng lipunan at posibling gawing batayan sa pag buo ng isang opinyon. Ang kwentong pinamagatang
Tsokolate ay gawin nating halimbawa para malinaw ang ating pagtatalakay.
Paglalahat (Generalizing)
Tama ang pangungusap na “Ang lahing Negroid ay kulot ang buhok, maitim ang balat at makapal ang labi.”. Ngunit ang diwa sa pangungusap na “Ang Africano ay kulot ang buhok, maitim ang balat at makapal ang labi” ay mali. Dahil karamihan sa nakatira sa hilagang bahagi ng Africa ay mapuputi ang kutis at hindi kulot ang buhok.
Dito madalas nagkakamali ang manunulat, lalo na’t kung ang kaalaman sa tinatalakay ay hindi lubos o kapiranggot lamang. Sa ating halimbawa;
“Isa lang (ang) dahilan kung bakit nagpapaalipin sa ibang lahi ang mga Pinoy. PERA.”
Iwasang gumamit ng mga katagang pangkalahatan kung ang tinutukoy ay iilang tao lamang. Sa pangungusap na ito, kasama ang may akda sa nagpapaalipin sa ibang lahi at mukhang pera.
“Ipinapanalangin kasi ng isang OFW na tumaas nang tumaas nang tumaas ang halaga ng dolyar laban sa piso.”
Merong ilang kababayan na may ganitong pag-uugali, ngunit ang karamihan ay hindi. Kahit gumamit ang may-akda ng pang-uring “isang”, umani pa rin ng batikos dahil binanggit nya ang katagang "OFW" - ang pangkalahatang tawag sa mga Pilipinong nagta-trabaho sa labas ng Pilipinas.
Eksaherasyon (Hyperbole)
Ang eksaherasyon ay ginagamit para makakuha ng reaksyong emosyonal. Kadalasan ang layunin ng may akda ay magpatawa at maturingang masiste (witty). Ngunit sa mga halimbawang ito;
“Gustong-gusto kasing maging Victoria’s Secret ang ginagamit na pabango ng asawa na dati’y White Flower lamang.”
Layuning magpatawa ang may-akda kapalit ng pagsangkalan at pag-alipusta sa pamilya ng tinutukoy.
“Nagkasya kasi tayo sa mga second choice dahil ang mga de-kalibre, naroon at kasalukuyang minumura ng amo kapalit ng dolyar. Bayani ka bang tatawagin kung humahalik ka naman sa paa ng mga dayuhan?”
Mali. Dahil hindi lamang nilahat ng may-akda ang “mga de-kalibre”, gumamit pa ng “hyperbolic statement” na “minumura ng amo kapalit ng dolyar” at “humahalik ka naman sa paa ng mga dayuhan”. Imbis na matuwa o humanga ay nainsulto ang mga OFW, dahil sa pagmamalabis at hindi makatotohanang pagkakalarawan ng kanilang pagtatrabaho sa ibang bansa.
Pagsasalungatan (Contradiction)
Ang opinyon ng isang manunulat ay dapat ayon o kaalinsunod sa iba nya pang opinyon.
“Ikakatwiran na walang pag-asa dito. Mahirap ang buhay dito. O talagang mahilig lang ang iba sa “piso tamang barko”. Meron din naman dito. Kaya lang, ang mga bagay na narito, ayaw naman natin. Para lang din sinabing “walang akong magawa”. Marami ka naman pwedeng gawin. Kaya lang, itong mga bagay na available na gagawin mo, ayaw mong gawin, tinatamad kang gawin o may iba kang gustong gawin.”
“Ang problema, kapag mataas ang halaga ng dolyar, mababa ang halaga ng piso. At kapag mababa ang halaga ng piso, ang ibig sabihin, mababa rin ang ekonomiya ng bansa. At kapag mababa ang ekonomiya ng bansa, mataas ang mga pangunahing bilihin at siyempre pang apektado ang mga karaniwang manggagawa na sumusuweldo ng mababa dito sa Pilipinas.”
Ang dalawang talatang ito ay magkasalungat. Sa una, pinapangaralan ng may-akda ang mga taong nangingibang bansa. Subalit sa ikalawang talata, alam nya rin pala ang dahilan ng kanilang pag-alis. Walang pinag-iba ito sa tanong mo, sagot mo.
Respeto at Opinyon
Ang opinyon ng isang tao ay dapat ginagalang. Subalit ang pag buo ng isang opinyon ay dapat may sinasandigang ebedensiya ng katotohanan. Dahil ang isang opinyon na walang basehan ay masasabing kathang-isip lamang at makakaranas ng supalpal sa mapagtantong mambabasa.
Ang respeto ay ma-ihahalintulad sa salubongang daan. Para maka-iwas matikman ang maaanghang na salita, siguradohing ang sinusulat ay pinag-isipang mabuti, sinaliksik at tinimbang ang positibo at negatibong aspeto ng usapin. Matutong mag-obserba sa mga pangyayari na walang kinikilingan. Ito lamang at masasabing ang manunulat ay mayroong malawak na pananaw at may kakayahang mag himay sa mga usaping pang lipunan.
Pag-ako Ng Pananagutan
Natural lamang sa isang tao ang nagkakamali. Natural din sa tao ang humingi ng paumanhin sa hindi sinasadyang kamalian. At natural din sa tao ang magpakumbaba at magpatawad. Subalit ang taong sobra ang tiwala sa sarili, hindi tumatanggap ng kamalian at walang paki-alam sa kahihinatnan ng kung sino mang masagasaan ng kanyang ginawa ay tanda ng hindi balanseng pag-iisip. Magkahalintulad sa simtomas ng isang “sociopath”.
Panghuling Salita
Ang mga alituntuning ito ay gabay lamang kung ang punteryang mambabasa ay mga propesyonal, edukado at malawak ang pananaw. Pag ang estelo ng pagsusulat ay katulad sa ating halimbawa, makakatagpo ka ng sumasang-ayon dito na pareho ang ugali sa diwa ng salaysay… makitid ang pag-iisip at pananaw.